thumb image

Ang Pilipinas: Ulat sa Kalayaang Pansining 2023-2024

Ang mga pangunahing natuklasan at pagsusuri sa Kalayaang Pansining sa Pilipinas mula sa Southeast Asia Artistic Freedom RADAR, 2023 – 2024

“I am offended as a Christian” at Iba Pang Paghuhusgang Moral

Taong 2022, nanalo si Ferdinand Marcos Jr. sa pagkapangulo ng Pilipinas, kasama si Sara Duterte bilang pangalawang pangulo. Inasahan ng marami ang pagpapatuloy ng mga polisiya ni dating Pangulong Rodrigo Duterte — kabilang na ang, ngunit hindi limitado sa, marahas na giyera kontra-droga, matalas na retorika laban sa mga kritiko, at ang pagpapalakas ng kultura ng takot. Ito ay may batayan: sa halos kabuuan ng kampanya noong eleksyon 2022, nagsalita si Marcos Jr. pabor sa mga polisiya ni Duterte tungkol sa Tsina at sa West Philippine Sea, giyera kontra-droga o Oplan Tokhang, at laban sa mga militanteng Kaliwa. Malaki ang naging papel ng mga isyung ito sa mga kaso ng pagsensura ng sining sa ilalim ni Duterte mula 2016 hanggang 2022. Ang katotohanang bihira o wala halos (kung meron man) napag-usapan ukol dito sa labing-anim (16) na dokumentadong kaso ng hamon sa kalayaang sining at mga gawing pangkultura mula 2023 hanggang 2024 ay isang mahalagang punto na dapat ipahayag sa pananaliksik na ito.

Ang pamumuno ni Marcos Jr. ay malinaw na iba sa pamumuno ni Duterte mula sa umpisa: hindi ito gumamit ng marahas na retorika at naging mas kaunti ang mga kritiko. Sa halip, nagtalaga si Marcos ng mga bagong pinuno sa mga pangunahing institusyon ng sining at kultura ng estado, kabilang na ang konsehong tagapangasiwa ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).

Mahalagang itampok ang pagtatalaga kay Ms. Lala Sotto, ang bagong tagapangulo ng MTRCB. Higit siyang kilala bilang isang politiko at anak ni Tito Sotto — isang komedyante, TV host, at konserbatibong politiko na may matatag na paninindigan laban sa mga karapatan sa reproductive health at diborsyo. Bilang tagapangulo ng MTRCB, si Sotto ang pangunahing mukha ng ilang kaso ng sensura sa sining sa panahong ito. Madalas siyang maglabas ng pahayag para ipaliwanag ang desisyon ng kanyang ahensya na ipagbawal o limitahan ang ilang palabas sa telebisyon at pelikula.
Isa pang malaking pagbabago sa panahong ito ay ang pagkakatatag ng isang organisasyong sibil na tinawag na Kapisanan ng Social Media Broadcasters ng Pilipinas, Inc. (KSMBPI) (Social Media Broadcasters of the Philippines, Inc). Unang pinamunuan ni Dr. Michael Aragon, at nang kalaunan ni Atty. Mark Tolentino, ang organisasyong ito ay nagpakilalang isang “watchdog” o tagapagbantay ng cyberspace ng Pilipinas. Gayunpaman, wala itong pormal at malinaw na panuntunang nakapaskil sa kanilang website. Wala rin itong legal na kapangyarihang magpalakad. Sa halip, ginagamit nito ang sistemang legal upang makapagsampa ng mga kaso laban sa mga artistang sa tingin nila ay lumalabag sa moralidad. Nagkaroon din sila ng pulong kasama ang tagapangulo ng MTRCB isang beses noong Setyembre 2023.

Isa pang pagbabago sa mga polisiyang pambansa na dapat banggitin ay ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC). Sa ilalim ng pamumuno ni Duterte, ginamit ito upang markahan ang mga artista at manlilikha bilang mga “aktibista” o ang mga kritikal bilang mga “komunista,” na naging daan para patahimikin o isensura ang kanilang mga likha. Pinanatili ni Pangulong Marcos Jr. ang ahensyang ito, ngunit pinahina ang kapangyarihan nitong magsagawa ng panunupil sa pamamagitan ng pagbawas ng ₱24 bilyon mula sa pondo nito.

Mahalagang ilahad ang mga kontekstong ito sa pag-unawa ng mga datos na nakalap hinggil sa mga hamon sa kalayaang pansining sa Pilipinas mula 2023 hanggang 2024. May kabuuang labing-anim (16) na kaso ang naitala sa loob ng dalawampu’t apat (24) na buwan, at labing-isa (11) sa mga ito ay mula sa larangan ng pelikula at pamamahayag. Hindi ito nakakagulat dahil sa kapangyarihan ng pagpapalakad ng MTRCB sa pelikula o telebisyon, ngunit ito ay higit na mahalaga sa pagpasok ng bagong pamunuan ng ahensya. Tandaang sa huling taon ng dating pamunuan ng MTRCB mula 2021 hanggang 2022, walang naitalang sensura sa pelikula o palabas sa telebisyon. Ang pokus noon ay nasa streaming platforms at kung ano ang mga nilalaman nito – bagay na wala sa hurisdiksyon ng MTRCB. Taong 2023 hanggang 2024, habang nananatiling walang kapangyarihan ang MTRCB sa mga streaming o online content, ang KSMBPI ang naging aktibong tagapagpatupad ng mga layunin nito sa pagpuntirya ng mga pelikulang ipinalalabas sa digital platforms at content na in-upload sa internet. Samantala, pumapangalawa lamang ang sining-biswal na may dalawang kaso, at pareho itong may kinalaman sa sining-protesta sa kalsada o street protest art — isang anyo ng sining na matagal na ding pinupuntirya.

Ang gamit-pananaliksik na ito ay tumutukoy kung ano o sino ang tinatarget sa mga kasong ito – ang manlilikha, ang likhang sining, o ang tagapagpakita nito. Sa Pilipinas, sampu (10) sa labing-anim (16) na kaso ang laban mismo sa manlilikha o sa tagapagpakita ng kanilang gawa, na mahalagang mabanggit sapagkat karamihan sa mga kasong isinampa ng KSMBPI ay partikular na laban sa mga artistang ang mga pelikula ay nasa digital platforms, tulad ng mga babaeng aktres sa mga pelikulang sekswal ang tema sa Vivamax. Ito ay iba sa istilo ng MTRCB, na karaniwang nagbibigay ng marka o rating sa isang pelikula batay sa nilalaman nito sa halip na pagsensura at pagpuntirya sa mga artista. Halimbawa, ang pagbibigay ng MTRCB ng rating sa pelikulang “Marupok As F*ck” na nagbawal dito sa mga sinehan, ngunit hindi nila isinama sa kaso ang aktres na si Maris Racal.

Naidokumento din ang mga hakbang na tinahak ng mga kaso at ang ilan dito ay humaharap sa maraming hamon mula sa iba’t ibang panig. Sa Pilipinas gayunpaman, labing-isa (11) sa labing-anim (16) na kaso ang may iisang hamon lamang — ibig sabihin ay iisang entidad lamang ang nagreklamo. Maaaring ito ay dahil sa impluwensiya ng MTRCB — ang mga manlilikha ay karaniwang sumusunod sa panuntunan ng ahensya upang maipalabas ang kanilang gawa sa mga sinehan.

Kapansin-pansin ang dalawang kaso na dumaan sa tatlong paghamon ay parehong bukas pa rin hanggang ngayon: ang music video ni Toni Fowler para sa kantang “MPL”, at ang drag artist na si ni Pura Luka Vega sa kanyang pagtatanghal bilang si Hesukristo. Pareho silang may kinakaharap pa ring mga kaso — kay Toni Fowler mula sa KSMBPI, at kay Pura Luka Vega galing sa iba’t ibang grupong relihiyoso.

Sa pamamagitan ng MTRBC, nananatiling pangunahing tagasulong ng sensura ang estado sa mga kaso noong 2023 hanggang 2024, na may walo (8) sa labing-anim (16) na kaso ay sinimulan ng nasabing ahensya. Ngunit ang KSMBPI, bilang bagong karagdagan sa eksena, ay nakapagsagawa rin ng tatlong akto ng pagsensura laban sa malikhaing paggawa, at nagsampa rin ng kaso laban sa mga artistang una nang hinamon ng iba. Halimbawa: ang kaso laban kina Vice Ganda at Ion Perez, na dumila ng icing mula sa kanilang mga daliri sa isang segment ng It’s Showtime.

Parehong layunin ng MTRCB at KBSMPI ang moral ng pagbabantay at pagtatasa ukol sa sining at kultura. Ang KSMBPI, bilang “watchdog” ng cyberspace, ay nagsampa ng mga kaso laban sa mga artista na diumano’y lumabag sa Article 201 ng Revised Penal Code o mga doktrinang imoral, lantad na paglalathala at eksibisyon, at malalaswang pagtatanghal na makikita sa internet o sa mga digital platforms. Ang regulasyong ito ng MTRCB ay nagsusulong ng proteksyon sa mga bata laban sa kung ano ang tingin nitong imoral at/o nakakasagasa umanong palabas sa TV, at nagreregula ang pelikula ayon sa itinakdang pamantayang pangkultura. Isang punto ay kung paano karaniwang ginagamit ng MTRCB ang “masa” sa pag-uudyok ng isang aksyon ng pagsisita – na sila ay nakatanggap ng mga reklamo ukol sa isang likha o manlilikha. Hanggang ngayon, hindi pa nakapagbibigay ang MTRCB ng mga halimbawa ng mga ganitong reklamo.

Sa ganitong uri ng panghuhusgang moral, hindi nakakapagtaka na ang mga pinakanaapektuhan, ayon sa pananaliksik, ay ang mga manlilikhang kababaihan at LGBTQIA+. Karamihan sa mga kasong naisampa ng KSMBPI ay laban sa mga babaeng content creators katulad nina Toni Fowler at mga aktres na sina Angeli Kang, AJ Raval, Ayanna Misola, at Azi Acosta; sinampahan din ng kaso ang mag-asawang queer na sina Vice Ganda at Ion Perez.

Maging ang publiko sa social media ay pinagmulan din ng moral na panghuhusga. Isang halimbawa ay ang Modest Fashion Show na ginanap sa Halal Expo, na tinuligsa dahil sa pagiging “,alas,” ayon sa pananaw na ang mga babaeng Muslim ay hindi dapat ginagawang “panooring pampubliko.”
Isang kaso na dapat banggitin dito ay ang kay Pura Luka Vega, na pinuntirya ng maraming relihiyosong organisasyon matapos kumalat ang maikling bidyo na in-upload ng isa sa mga manonood mula sa kanyang ticketed na pagtatanghal. Sa nasabing bidyo, si Pura ay nagtanghal ng rock version ng kantang “Ama Namin” habang nakasuot ng damit na katulad ng kay Hesukristo. Ito ang naging mitya ng sunod-sunod na hakbang-legal laban sa kaniya, kasabay na rin ang mga deklarasyon ng pagiging persona non grata mula sa iba’t ibang lalawigan. Ginamit laban kay Pura ang Article 201 of the Revised Penal Code kaugnay sa Cybercrime Law. Ito rin ang ginamit ng KSMBPI sa mga artistang babae at content creators para sa kanilang “malalaswang gawain” online.

Samantala, sa pamumuno ni Sotto sa MTRCB, nagsimulang gamitin ng ahensya ang Presidential Decree 1986, na siyang gumawa ng MTRCB, bilang pangunahing batayan ng pagsesensura. Kailangang isama ito sa usapan sapagkat hindi ito nagamit sa ganitong paraan sa loob ng ilang dekada dahil sa kung gaano kalawak at pangkalahatan ang mga termino nito. Ginamit ito laban sa isang dokumentaryong Alipato at Mugo (Embers and Fortress) na tungkol sa isang nawawalang aktibista. Ayon sa MTRCB, ang dokumentaryo ay “nakakabawas ng tiwala ng taumbayan sa pamahalaan at mga kinauukulang awtoridad.” Sa pelikulang “Dear Santa” na mula sa Hollywood, ginamit din mismo ni Sotto ang PD 1986 na nagsasabing ang isang pelikula ay hindi dapat ipalabas sa publiko kung ito ay “malinaw na pag-atake sa relihiyon, lahi, o paniniwala.” Ginamit din ito labas sa palabas na “Private Convos with Doc Ria,” sa pagkakataong ito, sa argumento na ang palabas ay “pawang naglalayong pukawin ang pagnanasa.
Sa labing-anim (16) lamang na kasong naitala, labing-isa (11) ang malinaw na kaso ng panghuhusgang moral mula 2023 hanggang 2024. Ito ay indikasyon na bagaman maaaring maghugas-kamay ang bagong pamahalang nasyonal sa usaping supresyon ng kalayaan sa paglikha, ang mga bagong itinalaga sa mga makapangyarihang posisyon ay aktibong nagsasagawa ng sariling anyo ng sensura. Sa isang pagharap sa Kongreso ukol sa pelikulang Dear Satan, sinabi ni Sotto: “I am offended as a Christian.

Ang ganitong pahayag, na walang nakuhang reaksyon mula sa publiko, ay indikasyon ng pangkalahatang kawalang-muwang o kawalan ng pakialam. Sampu (10) sa labing-anim (16) na kaso ay hindi nakatanggap ng suporta galing sa publiko. Ang paglalabas ng content sa social media ay naging base sa algoritmo at iilan lamang sa mga kasong ito ang nanatili sa mata ng publiko nang sapat na haba upang makuha ang kanilang interes. Nangangahulugan din ito na kung dati’y maraming kaso ng sensura ang umusbong mula sa social media, labing-isa (11) sa labing-anim (16) na kaso sa panahong ito ay wala nang online na bahagi. Sa kabila nito, hindi maikakaila ang pagkakaroon ng hindi lamang isa, kundi dalawang organisasyon na nagbibigay ng moral na panghuhusga sa sining. Isa itong pahiwatig o babala sa mga bagay na maaaring dumating pa.

(This article was translated by Verlin Santos. Read the original report by Katrina Stuart Santiago here.)

+ posts

Katrina Stuart Santiago is a writer and cultural critic from Manila, with a 15-year writing practice across mainstream and fringe publications, in print and on digital. Her creative practice has fueled her activism, which cuts across issues of cultural labor, systemic dysfunctions, and institutional crises, and how these are tied to bigger issues of nation and governance. She is founding director of small press, bookshop, and gallery Everything’s Fine, co-author of UNESCO-Germany's Fair Culture Charter, and collaborator of the Feminist Journalist Network of the Association for Women in Development. She heads the civil society organization People for Accountable Governance and Sustainable Action-PAGASAph that seeks to provide the space for political action from younger civil society actors, and was 2023 Public Intellectual of the Democracy Discourse Series of the Southeast Asia Research Center and Hub of the De La Salle University. Through Everything's Fine she is constantly redefining her practice as an independent cultural worker, as she nurtures communities that seek safe, kind, and productive spaces for difficult conversations and relevant dialogue. She writes at katrinastuartsantiago.com and is @radikalchick online.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *